3 mag-bestfriend niratrat: 1 patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang patay habang dalawa ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek ang tatlong magkakaibigan habang sila ay naglalakad na pauwi sa kanilang tahanan sa kasagsagan ng ulan sa Pasig City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Chief Insp. Oscar Boyles, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Pasig City Police ang nasawing biktima na si Vince Huyatid, 18,  nakatira sa Yakal corner Napico St., sa lungsod.

Sugatan namang ginagamot ngayon sa Pasig City General Hospital (PCGH) sina Ricardo Roxas, 17; at Ruel Sumalla, 17, pawang kaibigan ni Huyatid.

Ang suspek na mabilis na tumakas ma­tapos ang isinagawang krimen ay nakasuot ng camouflage na kapote at itim na bonnet.

Sa report ni PO3 Laurence Punzalan, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-2:45 ng madaling-araw sa Yakal St., corner Napico, Brgy. Manggahan Pasig City.

Sinasabing nasa kasagsagan ng ulan at papauwi ang tatlo sa kanilang tahanan nang salubungin sila ng suspek at walang sabi-sabing pagbabarilin.

Sa inisyal na imbestigasyon ay posibleng alitan ang motibo ng krimen.

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng suspek.

 

Show comments