MANILA, Philippines - Isang malusog na sanggol na babae ang iniluwal sa loob ng tren ng Light Rail Transit-Line 2 makaraang abutan nang pagputok ng panubigan ang kanyang ina habang patungo sa pagamutan, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, na patungo na sana sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang 23-anyos na single mother na nakilalang si Marissa Pantay, residente ng Brgy. San Roque, Antipolo City, nang makaramdam ng pananakit ng tiyan ngunit sa may Legarda Station na ito inabutan ng panganganak.
Agad namang tinulungan nina Dr. Edgardo Aguas, resident doctor ng LRTA at nurse na nakilala sa paÂngalang Anna, ang ginang at maayos na naipanganak ang sanggol na babae.
Nailuwal ang sanggol dakong alas-8:50 ng umaga habang tumatakbo ang tren patungo sa Recto Station sa Maynila. Dinala naman ang mag-ina sa Fabella Hospital kung saan nasa maayos na kalagayan na ang mga ito.
Ang naturang sanggol ang ikatlong naipanganak sa LRT train system ngayong taon. Pinakahuli dito ang isang sanggol na ipinanganak sa LRT Line 1 Blumentritt station noong Hulyo 31.
Ang naturang sanggol rin ang ika-16 na naipanganak sa LRT system mula nang mag-operate ito noong 1984.