MANILA, Philippines - Hanggang kahapon hindi pa rin lubusang naaapula ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang sunog na sumiklab sa isang bodega ng mga sapatos, damit at bag sa Baclaran, Pasay City kamakalawa ng hapon.
Sinabi naman ni Pasay City Fire Marshal Chief Insp. Douglas Guiab, na kontrolado na nila ang apoy ngunit hindi pa ganap na maapula ito dahil sa makapal na usok sa loob ng bodega na pag-aari ng isang Sally Ang sa may Russel Street, Baclaran.
Tiniyak naman ni Guiab na hindi na tatawid sa iba pang gusali ang apoy na nananatiling sumisiklab dahil sa mga plastik, at mga gomang tsinelas at sapatos na nasa loob nito.
Napag-alaman na nagsimulang sumiklab ang apoy dakong alas-2:54 kamakalawa ng hapon matapos makarinig ang ilang mga testigo ng isang pagsabog sa loob ng bodega.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa naturang insidente maliban sa problemang makahinga sa mga bumberong lumalaban sa apoy.
Umaabot na rin umano sa higit P2 milyon ang nasirang ari-arian sa sunog.