Parak patay sa misis na parak
MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis matapos tamaan ng bala nang pumutok ang baril na kanilang pinag-aagawan ng misis niyang isa ring pulis makaraan ang pagtatalo sa loob mg kanilang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay PO3 Erickson Isidro, may hawak ng kaso, nakilala ang biktima na si PO1 George Verbo, 37, na nakatalaga sa Quezon City Police Fairview Station.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na nila ang misis nitong policewoman na si PO1 Gemalyn Verbo, 34, na nakatalaga rin sa nasabing istasyon ng pulisya.
Nabatid ni Isidro na si George ay nasuspinde sa kanyang serbisyo sa loob ng tatlong buwan dahil sa kasong robbery/extortion laban sa kanya.
Ang biktima ay nasawi makaraan ang pagtatalo nila ng asawa na nangyari ganap na alas-2:45 ng madaling-araw sa kanilang bahay na matatagpuan sa Sampaguita Road Extension, Brgy. Payatas A, Quezon City.
Sinasabing 10 taon nang kasal ang biktima kay GemaÂlyn ay tinamaan ng bala sa sikmura at nagÂlagos sa likod. Nagawa pang maitakbo sa General Malvar Hospital pero idineklara rin itong dead-on-arrival.
Nabatid na simula umaÂnong masuspinde sa trabaho si George ay madalas na itong uminom ng alak sa kabila ng paulit-ulit na pagsabihan ito ng asawa.
Nakita muli ito ni GemaÂlyn at kinompronta ang asawa hinggil sa pag-inom nito na nagresulta sa maÂinitang pagtatalo.
Sa pagtatalo ay tinangka ng lasing na si George na kunin ang 9mm caliber Glock 17 service firearm ni Gemalyn na nasa handbag pero nagawang mailayo ito ng huli.
Sa puntong ito, nagpasya si Gemalyn na lumaÂbas ng kanilang bahay at magÂpunta sa harap ng kaÂnilang tindahan. Pero sinundan siya ng biktima at sinimulan umanong saktan.
Ayon sa helper nilang si Evangeline Coma, tinangka niyang awatin ang pag-aÂaway ng dalawa pero maging siya ay sinuntok ni George sa mukha.
Sa kaguluhan, nagawang mailabas ni George ang baril mula sa bag ng kanyang asawa dahilan para makipagpambuno ang huli sa una para makuha muli ang baril.
Sa agawan, biglang pumutok ang baril at tinamaan si George na naging dahilan ng kamatayan nito.
- Latest