4 lungsod sa MM isinailalim na sa State of Calamity

MANILA, Philippines - Nagdeklara na rin ng State of Calamity ang lungsod ng Pasay dahil sa lagpas-taong baha dulot ng bagyong  Ma­ring at Habagat.

Dakong alas-10:00 ng umaga­ nang ipasa ng Pasay City Council ang resolusyon na ilagay na sa State of Calamity ang kanilang lungsod at agad namang inaprubahan ni Mayor Antonino Calixto. 

Sinabi ni Mayor Calixto na magagamit nila ang “emergency fund” sa ilalim ng State of Calamity sa patuloy na relief operations sa mga eva­cuees buhat sa 100 barangay na nalubog sa tubig-baha.

Kahapon ng umaga, hindi pa rin madaanan ng mga mali­liit na behikulo ang mga kalsada sa Malibay, Maricaban, Buendia at EDSA Taft dahil sa lubog pa rin sa hanggang bewang na tubig.

Kahapon ay nasa 225 pamilya ang nasa 11 evacua­tion center na patuloy na sinu­suportahan ng lokal na pamahalaan ng lungsod Pasay sa kanilang pagkain at gamot.

Una nang nagdeklara ng State of Calamity ang mga karatig lungsod na Para­ñaque, Muntinlupa at ang bayan ng Pateros.

Habang nasa State of Calamity, naka-price freeze ang mga pangunahing bilihin habang maaaring maka-avail ng calamity loan ang mga miyembro ng Pag-ibig Fund, GSIS at SSS.

 

Show comments