Bus salpok sa poste ng MRT: 27 sugatan

MANILA, Philippines - Dalawampu’t pitong pasahero ang sugatan makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa poste ng MRT sa Edsa Cubao matapos makasagian ang isa pang bus sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Maring sa lugar kahapon ng madaling-araw. Ang mga sugatang biktima ay agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center dahil sa mga tinamo nilang mga minor injuries sa kanilang mga mukha at katawan.

Sumalpok sa poste ng MRT ang CEM trans makaraang mawalan ito ng kontrol matapos masagi nito ang isa pang bus na Unicab habang binabagtas ang southbound lane ng EDSA, malapit sa Arayat St. sa Cubao. Nangyari ang insidente ganap na alas-5:20 ng umaga. Sinasabing tinatahak ng CEM Transport bus ( DYM 259) na minamaneho ni Rex Paclar at Unicab bus (CHJ-920) na minamaneho naman ni Eduardo Temblar ang kahabaan ng EDSA nang pagsapit sa naturang lugar ay biglang masagi umano ng una ang huli.

Ayon pa kay Policarpio, tinangka pa umanong umiwas ng CEM bus kaya kinabig ni Paclar ang manibela subalit dumiretso na ito sa poste ng MRT. Sa pagkakabanga ay nayanig ang mga pasahero saka maumpog sa mga upuan na siyang sanhi ng kanilang pagkakasugat. Agad namang dumating ang mga rescue team ng QC at dinala sa naturang ospital ang mga sugatang biktima. May ilan pang tumanggi nang magpasugod sa ospital dahil sa minor injuries na tinamo. Patuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.

 

Show comments