MANILA, Philippines - Patuloy ang pag-apaw ng tubig sa La Mesa dam sa Quezon City bunga ng patuloy na pag -ulan na dala ng bagyong MaÂring at epekto ng habagat. Sa isang panayam batay sa 3 pm latest monitoring kahapon, sinabi ni Mr. Jeric Sevilla, head ng corporate communications ng Manila Water Corporation na nagmamantine sa La Mesa Dam, anya umabot na sa 80.32 meters ang tubig sa naturang dam.
Sinabi ni Sevilla na umaabot lamang sa 80.15 meters ang spilling level ng La Mesa dam kaya’t ang mga residente sa ibaba nito malapit sa may Tullahan river ay dapat nang lumikas.
Anya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at local government units para mabigyan ng babala at abiso ang mga tao doon na hindi na dapat pang magtagal sa kanilang lugar upang hindi maapektuhan ng matinding pagbaha. Nilinaw din nito na wala silang binubuksang gate ng La Mesa dam kundi ang umaapaw na tubig ay buhat sa ulan na labis ng nakaukopa sa naturang dam.