MANILA, Philippines - Patay ang American technical diver na nakahanap sa bangkay ng yumaong dating DILG Sec. Jesse Robredo makaraang mabaril ng security guard sa tinutuluyang subdibisyon, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Nagtamo ng tama ng bala ng shotgun sa mukha ang biktimang si Matthew Caldwell, 59, isa sa direktor ng Allegro Company at nanuÂnuluyan sa Hamilton Heights Subd., Brgy. Talon V, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na si Ericson Blacquio, tauhan ng South Star Security Agency at naninirahan sa Sampaloc Site, BF Homes, Parañaque City.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-10:30 ng gabi sa main gate ng subdibisyon. Lulan ang biktima ng kanyang Toyota Corolla sedan (TTS-316) kasama ang live-in partner na si Jeanalyn Flora, 36, at papasok sana sa subdibisyon nang harangin ng suspek na si Blacquio at pagbawalan na makapasok.
Ikinatwiran ng guwardiya ang kautusan umano ng Homeowners Association ng subÂdibisyon na pagbawalang pumasok sina Caldwell dahil sa matagal nang hindi nakakabayad ng monthly dues nito.
Dito nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa tangkain na puwersahang tanggalin ng Amerikano ang nakaharang na kahoy sa gate. Dito na umano nagkaroon ng komprontasyon ang biktima at suspek na nakalabit ang shotgun at tamaan sa mukha si Caldwell.
Upang makatakas, inagaw pa ng suspek ang motorsiklong may plakang (IA-4929) na minamaneho ng isang Stanley Verano at saka pinaharurot palayo.
Ayon kay Flora, nakiusap naman siya sa guwardiya na papasukin sila at nang makauwi sa kanilang bahay saka kakausapin ang mga opisyal ng kanilang homeowners association. Tumanggi pa rin umano ang guwardiya hanggang sa uminit na rin ang ulo ni Caldwell.
Patuloy naman ngayon ang manhunt operation ng pulisya upang madakip ang tumakas na guwardiya habang nakatakdang imbestigahan rin ang pamunuan ng homeowners association ng naturang subdibisyon.