Killers ng 2 journalist, kinasuhan

MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong two counts of murder ang dalawang kalalakihang natukoy na siyang bumaril at nakapatay sa dalawang mamamahayag noong Hulyo 30,2013 sa lungsod Quezon.

Ang mga akusado ay nakilalang sina Clemente Bersoza, 48, at Roel Manaog, 33, kapwa residente sa Katuparan at Kasunduan St., Brgy Commonwealth sa lungsod.

Natukoy ang mga salarin base sa pahayag ng mga pangunahing testigo na siyang sangkot sa pamamaril at pagpatay kina Richard Kho, 59, executive editor ng Aksyon Ngayon at Bonifacio Loreto Jr., 47, publisher ng naturang dyaryo.

Naging positibo ang pagtukoy sa mga sa­larin makaraang isang testigo ang personal na nagtungo sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) noong August 10 ganap na alas-10 ng umaga at kusang nagbigay ng pahayag kasabay ng pagsasalarawan sa dalawang suspect sa naganap na krimen.

Kasunod nito, positibo ring kinilala ng testigo ang mga suspect sa rogue gallery ng CIDU-QCPD na siyang bumaril sa mga biktima.

Pinatotohanan din ng testigo na nang gabi ng Hulyo 30 bago maganap ang pamamaril sa mga biktima, galing umano siya sa bahay ng kaibigan sa Brgy. Holy Spirit at habang naglalakad sa kahabaan ng Pilot Drive, Brgy. Commonwealth papauwi, nakasabay umano niya ang dalawang lalaki.

Pagsapit sa harap ng sari-sari store ng biktimang si Loreto, bigla umanong naglabas ng baril ang mga lalaki at pinagbabaril ang mga biktima na agad na ikinamatay ng mga ito.

Sinabi pa ng testigo, nagtago siya sa likuran ng isang bahay at aktuwal na nakita ang mga suspect na binabaril ang mga biktima at pagkatapos ay nagsitakas.

Nauna nang sinabi ng awtoridad na walang kinalaman sa trabaho ng mga biktima bilang mamamahayag ang pamamaril sa kanila dahil isang beses pa lamang umano ang mga itong naglabas ng kanilang dyaryo.

Sa kasalukuyan, pinaghahanap na ng awtoridad ang dalawang suspect.

 

Show comments