MANILA, Philippines - Hinihinalang may kinalaman na naman sa iligal na droga ang ginawang pamamaslang sa isang lalaki na binaril sa ulo nang malapitan ng mga hindi pa nakikilalang salarin, kahapon ng madaling araw sa Taguig City.
Namatay kaagad ang hindi pa nakikilalang biktima na tinatayang nasa pagitan ng 45 hanggang 50-taong gulang, may taas na 5’6†at nakasuot lamang ng asul na sando at brown na short pants.
Sa ulat ng Taguig City Police, naganap ang krimen dakong alas-3:15 ng madaling araw sa kahabaan ng P. Mariano St., sa Barangay Ususan. Ayon sa mga residente, bigla na lamang silang nakarinig ng putok ng baril at nang puntahan ang pinanggalingan nito ay nakita na ang duguang biktima na nakalugmok sa kalsada.
Nakuha sa tabi ng bangkay ng biktima ang isang sachet na hinihinalang shabu at basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Hirap naman ang pulisya na kumalap ng impormasyon sa motibo ng pamamaslang at pagkakakilanlan ng mga salarin dahil sa takot ng mga residente na makialam at sabihin ang nalalaman.