MANILA, Philippines - Patay ang isang vendor matapos na barilin sa ulo ng lalaking umano’y kanyang nakaalitan habang nagbababa ng paninda sa Bgy. Bambang, Pasig City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Ronaldo Rodriguez, 33, residente ng Phase 3, Villa Cuana, Nagpayong, Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Mabilis namang nakatakas ang di kilalang suspect, tangay ang isang .9mm na kalibre ng baril na ginamit sa krimen.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Chief Insp. Oscar Boyles, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Pasig City Police, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maÂganap ang pamamaril sa biktima sa VATODA terminal na matatagpuan sa Valderama St., Bgy. Bambang.
Nabatid na nagbababa umano ang biktima ng kanyang mga
panindang gulay mula sa pick-up na sasakyan nito nang bigla na lang lapitan ng suspect.
Sa hindi malamang kadahilanan ay nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng suspect at biktima hanggang sa bigla na lang umanong maglabas ng baril ang una at biÂnaril sa ulo ang huli na agad na nasawi.
Tatlong basyo ng bala ang narekober ng pulisya mula sa pinangyarihan ng krimen, na patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.