Pulis patay sa training

MANILA, Philippines - Hindi na binalikan ng malay ang isang Aviation police makaraang bumagsak at himatayin sa kasagsagan ng kanilang pagsasanay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa ng madaling-araw sa Pasay City.    

Dead on arrival sa Villamor Airbase Hospital si PO2 Rex Bragancia, 34, na­katalaga sa PNP-Aviation Security Group-6th Police Center for Aviation Security sa Iloilo Airport.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Allan Valdez ng Investigation and Detective Management Section ng Pasay Police, kabilang si Bragancia sa mga pulis na sumasailalim sa Airport Anti-Hijacking Training Course kung saan pinatakbo ang mga kalahok ng ilang kilo­ metro bilang bahagi ng ka­nilang pagsasanay dakong alas-4:30 ng mada­ling- araw.

Nasa ikatlo at huling pag-ikot ang grupo ng mga pulis sa NAIA Complex nang biglang bumagsak si Bra­gancia. Sumaklolo kaagad ang mga kasamahan ng pulis at binigyan siya ng “first aid treatment” bago isinugod sa naturang pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay.

Sa pagsusuri ng mga doktor, lumalabas na “sudden cardiac arrest” o atake sa puso ang dahilan ng pagkasawi ng pulis. 

Nilinaw naman ng mga kasamahan nito na bago sila isailalim sa pagsasanay, tinatanong muna ng kanilang trainor kung sino sa kanila ang hindi maganda ang kun­disyon ng katawan at maaari namang hindi lumahok.

Show comments