MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang modus operandi ng Korean kidnapping gang na nag-ooperate sa Pilipinas na ang target biktimahin ay ang mga investors, turista at mga negosyanteng Koreano na nagtutungo sa bansa.
Sa press briefing sa Camp Crame, nagbabala si Sr. Supt. Neri Ilagan, Officer-in-Charge ng PNP-AKG sa modus operandi ng sindikato.
Ayon kay Ilagan, ang modus operandi ng sindikato ay naÂbulgar kasunod ng pagkakaaresto ng PNP-AKG operatives sa nalalabi pang miyembro ng Korean kidnapping gang na kaÂsabwat ng mga itong Pinay na si Madel Buhay-Kim.
Si Buhay-Kim ay nasakote kamakailan sa Molino Road, Bacoor, Cavite sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Myrna Lim-Verano ng Regional Trial Court (RTC) Branch 160 ng Pasig City.
Ayon sa opisyal, si Buhay-Kim ay misis ng puganteng si Mr. Kim Jong Seok, lider ng grupo, nahaharap sa mga kasong kriminal sa Korea na nasakote ng PNP-AKG noong Oktubre 5, 2012. Ang iba pang miyembro ng sindikato na nauna nang bumagsak sa batas ay sina Kim Sung Kon, nasakote ng mga awtoridad noong Mayo 18, 2012, nakapiit na sa Bureau of Immigration Detention Center sa Bicutan, Taguig City, Choi Se Yong, natimbog sa Thailand at Han Soon Jin na idineport sa Korea ng Bureau of Immigration at pinatawan ng 5-taong pagkakakulong sa Busan Jail, Korea.
Isiniwalat pa ni Ilagan na bahagi ng modus operandi ng sindikato ay manghikayat sa mga kapwa Koreano sa pamaÂmagitan ng internet na bumisita sa Pilipinas kung saan kapag napapayag ay magpiprisinta ang mga itong maging tourist guide.
Samantala, kapag nakuha na umano ang tiwala ng kapwa nila Koreano, partikular na ang mga turista, investor at mga negosyante nilang kalahi ay saka kikidnapin ang mga ito at hihingi ng ransom sa pamilya ng mga biktima sa Korea.
Nabatid pa sa imbestigasyon na ang grupo ay sangkot sa pagdukot sa mga biktimang si Kwon Young Hoon sa Cebu City, Hong Seok Dong at Yoon Chui Han na hindi pa nakakabalik sa kanilang mga pamilya sa kasalukuyan.