MANILA, Philippines - Patay ang isang ama makaraang ratratin ng tatlong armadong lalaki sa harap mismo ng kanyang mga anak sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO2 Gil mer Mariñas, imbestigaÂdor ng kaso, kinilala ang biktimang si Elmer Tandoc, 51, dispatcher, resiÂdente ng Kagandahan St., Brgy. Batasan Hills.
Nangyari ang insidente sa bahay ng biktima ganap na alas-7:45 ng gabi.
Bago ito, kakain na sana ang biktima kasama ang dalawang anak nitong sina Christopher at Apple nang biglang dumating ang mga suspect at walang habas na pinagbabaril ang una.
Matapos ito, dali daÂling tumakas ang mga suspect lulan sa isang motorsiklo na hindi naplakahan. Nagawa pang maitakbo ang biktima sa General Malvar Hospital ngunit idineklara na rin itong dead on arrival.
Nang imbestigahan ang pinangyarihan ng insidente, narekober ang tatlong basyo ng bala at apat na slug ng kal .45.
Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang kataÂwan ng siyang ikinamatay nito.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa nangyaring insidente. (Ricky T. Tulipat with trainee Ma. Juneah Del Valle)