Ambush/holdup: 1 patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Panghoholdap ang ti­nitingnang motibo ng pananambang ng riding-­in-tandem sa isang sports utility ve­hicle (SUV) sa San Juan City kamakalawa na nagresulta sa pagkasugat ng dalawa sa mga pasahero nito at pagkasawi naman ng isang mekaniko, na tinamaan lamang ng ligaw na bala.

Kinilala ni San Juan City Police deputy chief P/Senior Supt. Tomas Arcallana ang nasawi na si Valentino Malulay, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Samantala, sugatan naman ang mga sakay ng tinambangang Mon­tero (NOV-840) na si Albert­ Dondon Orte­ga, na siyang nagmamaneho ng sasakyan  at isang Uding Ortega na kapwa isinugod sa UERM Hospital.

Isang Bea Almazan, na tiyahin  ni Ortega, ang sakay din ng SUV ngunit masuwerteng hindi na­sugatan.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:30 hapon nang ma­ganap ang krimen sa kanto ng F. Manalo St. at  A. Villa St., Brgy. Batis, San Juan City.

Lulan ng Montero ang dalawang sugatang biktima at si Almazan na patungo sana sa San Juan Coliseum nang bigla na lang silang tambangan at harangin ng mga suspek na magka­angkas sa motorsiklo.

Tinangka pa umano ni Albert na takasan ang mga suspek at pina­sibad ang sasakyan ngunit hi­nabol at pina­ulanan sila ng bala, na ikinasugat ng mga ito.

Minalas naman na tamaan ng ligaw na bala sa ulo si Malulay na noon ay nagkukumpuni ng isang jeepney sa F. Manalo St.

Ayon sa pulisya, holdap ang motibo ng krimen dahil sina­sabing may dalang malaking pera si Almazan na umano’y isang financier sa sabungan.

Show comments