‘Explosion proof’ na LPG tank, ibebenta sa Pinas

MANILA, Philippines - Upang makatulong na rin sa kampanya laban sa sunog, nakatakdang magbenta ang independent oil player Eastern Petroleum ng “explosion proof” na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) na kauna-unahan sa Pilipinas.

Nabatid na nasa P3 bilyon ang umano’y ipinuhunan ng Eastern­ Petroleum para makuha ang karapatan para magamit ang “European-made LPG tank” na tinawag na “Eastern Composite” o “EC Gas”.

Sinabi ni Eastern Petroleum Group Chairman Fernando Martinez na hindi hamak na mas maganda ang “performance” at mas ligtas ang kanilang EC Gas tank kumpara sa mga “metal tank” ngayon na nasa merkado. Bukod sa “explosion proof”, “see-through” rin umano ito at mas magaan ng 10-kilo.

Sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP), isa sa nangu­ngunang dahilan ng sunog sa bansa ang pagsabog ng mga LPG tanks. Meron umanong naitatalang 10 sunog dulot ng LPG kada buwan sa buong bansa.

Nabatid din na aabot sa 14 na milyong LPG tanks ang nasa sirkulasyon sa bansa kung saan 30% nito ay nangangailangan ng rekalibrasyon.

Sinabi ng Eastern Petroleum na uumpisahan nilang magbenta ng bagong uri ng LPG tanks sa darating na buwan ng Setyembre sa 40 nilang gasoline stations at ng UniOil at sa 200 dealers sa Metro Manila,  Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon sa parehong refill price na P750 kada 11-kilong tangke.  Nasa P4,500 naman ang kabuuang halaga ng tangke at laman ng gas kasama na ang instalasyon ng bagong pipe sa kalan.

 

Show comments