Barker utas sa Pangulo ng jeepney association

MANILA, Philippines - Isang barker ang nasawi makaraang saksakin ng Pa­ngulo ng isang asosasyon ng jeepney sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Jornel Montemayor, 36, residente ng Tala, Caloocan City.

Si Montemayor ay nasawi ma­tapos ang insidente ng pananaksak sa may terminal ng jeepney na matatagpuan sa Regalado Avenue malapit sa Quirino Hi-way, Brgy. Greater Lagro.

Ang biktima ay nagtamo ng mga saksak sa katawan at naitakbo pa sa San Lo­renzo Hospital pero binawian din ng buhay ganap na ala-1:45 ng hapon.

Nakilala naman ng ilang testigo ang suspect na si Virgilio Begube, presidente ng bagong tayong TAGADO, isang organisasyon ng mga drivers at operators ng jeepneys na may rutang Tala-Novaliches.

Nabatid sa mga testigo na bago ang in­sidente ay nagtalo umano ang da­lawa makaraang lapitan ng barker ang suspect dahil sa pag­labag sa ipinapatupad na patakaran sa terminal.

Ang nasabing isyu ang naging ugat para mauwi sa pagtatalo hanggang sa pagsusuntukan ng dalawa.

Sa kainitan ng suntukan, nagbunot ng patalim ang suspect at sinimulang pagsasaksakin ang biktima.

Nang bumuwal sa lapag si Montemayor, agad na sumakay si  Begube sa kanyang jeepney saka umalis sa lugar.

 

Show comments