20 bahay naabo sa sunog

MANILA, Philippines - Naabo ang humigit kumulang P.6 milyong halaga ng mga ari-arian makaraang matupok ng apoy ang 20 kabahayan kahapon ng umaga sa Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Ayon sa inisyal na pagsi­siyasat ng Quezon City Central Fire Department, nagsimula ang sunog sa bahay ni Kristalyn Cambay, 22, sa  Mapagbigay St., Brgy. Pinya­han ganap na alas-7:22 ng umaga.

Ayon kay Fire Officer 2 Jovelyn Panganiban, imbestigador, mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang mga gawa sa light materials ang mga kabahayan dito.

Dagdag pa niya, nagsi­mula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Cambay, partikular sa kisame nito.

Agad namang rumes­ponde ang mga kagawad ng pamatay-sunog sa lungsod kung kaya naagapan ang pagkalat nito.

Umabot sa ikatlong alarma­ ang sunog, bago tuluyang ideklarang fire-out ganap na alas-8:12 ng umaga.

Wala namang naiulat na nasugatan o namatay sa na­turang insidente.

Samantala, patuloy pa ring iniimbestigahan ng awto­ridad kung ano ang pinagmulan ng sunog. (Ricky T. Tulipat with Ma. Juneah Del Valle-trainee)

Show comments