2 bebot nagbigti sa QC

MANILA, Philippines - Dalawang babae ang iniulat na nagbigti sa magka­hiwalay na lugar sa lungsod Quezon.

Sa ulat ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nakilala ang mga nasawi na sina Ardith Marino, 38, at Glenda Guiam, 31.

Si Guiam ay natagpuan ganap na alas-12 ng hatinggabi sa loob ng kanyang bahay sa Bignat St., Brgy. Quirino ng kanyang live-in-partner na si Alexander Imperial.

Nabatid mula kay Imperial na nag-inuman sila ni Guiam noong Lunes ng gabi at nagkaroon nang pagtatalo.

Nagalit umano sa kanya si Guiam dahil hindi sila nakakuha ng pera para pambili umano ng iligal na droga.

Matapos ang kanilang away, umalis umano si Imperial ganap na alas-11 ng gabi pero sa kanyang pagbalik ay saka natagpuan ang biktima na nakabitin sa loob ng kanilang kuwarto gamit ang itim na tali sa kanyang pagbibigti.

Samantala si Marino ay nadiskubreng patay ng kanyang kaanak ganap na alas-4 ng hapon sa kanyang bahay sa Rodman St., Talanay A, Brgy. Batasan Hills.

Dinalaw umano si Marino sa kanyang bahay ng kaanak nitong Lunes ng hapon pero natuklasan nilang nakabitin na ito sa loob gamit ang isang kumot.

Nabatid pa na si Marino ay iniwan kamakailan ng kanyang boyfriend na nagdesisyon makipaghiwalay sa kanya.

Show comments