MANILA, Philippines - Tinatayang nasa P1.2 milÂyong halaga ng hiniÂhinalang shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang babaeng drug pusher sa ikinasang operasyon sa Las Piñas City.
Nakilala ang nadakip na si Pejay Madeja, 28, residente ng Sampaguita St., Bagong Sibol, South Greenheights, Putatan, Muntinlupa City. Nakumpiska sa posesyon nito ang nasa 241.4 gramo ng shabu.
Sa ulat, isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng PDEA dakong alas-6:30 ng gabi noong Hulyo 12 sa isang shopping mall sa Las Pinas City.
Unang nakipagtransaksyon ang isang operatiba ng PDEA sa suspek sa pagdeliber ng naturang iligal na droga.
Agad na dinakma si Madeja makaraang iabot ang iligal na droga na nakalagay sa isang brown envelope sa poseur buyer ng PDEA. Nakumpiska rin sa suspek ang dala nitong cellular phone na gamit nito sa transaksyon.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 at isinasailalim sa inteÂrogasyon upang mabatid ang organisasyon na kinasasangkutan nito.