MANILA, Philippines - Na-trauma ngayon ang isang 17-anyos na dalagita nang dukutin, gahasain at gulpihin ng tatlong kalalakihan na naka-bonnet kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.
Base sa sumbong ng biktima na itinago sa pangalang Marisol, taga-Quintos St., Brgy. San Jose ng naturang lungsod naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling-araw habang naglalakad siya sa kahabaan ng Quintos St., Brgy. San Jose habang pauwi na siya sa kanilang bahay nang tigilan ng isang kulay puting van na hindi na nakuha ang plaka at dito bumaba ang tatlong kalalakihan na naka-bonnet.
Dinukot at sapilitang isinakay ang biktima sa van kung saan isa mga suspect ang sumuntok sa kanya sa sikmura na naging dahilan upang mawalan ito ng malay.
Nang magising ang biktima ay hubo’t hubad na ito sa loob ng hindi pa tukoy na bahay, na doon isinagawa ang panghahalay sa kanya. Nakadampot ng tansan ang biktima at nagawang maÂikayod sa braso ng isa sa mga suspect, na naging dahilan upang masugatan ito.
Dahil sa ginawa ng biktima ay sunud-sunod na sampal at suntok ang inabot nito at nang makakuha ito ng tiyempo ay naglakas-loob itong tumakas hanggang sa humingi ng tulong at ireklamo sa pulisya ang sinapit nito.