Driver, pahinante kinuyog ng ‘jumper boys’, kritikal
MANILA, Philippines - Kapwa malubhang naÂsugatan ang isang driver at pahinante nito nang kuyugin ng 7 jumper boys kamakalawa sa Caloocan City.
Ginamot sa President DiosÂdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala ng sumpak sa ulo si Marcelo Padilla, 46, ng Lambakin, Marilao, Bulacan habang saksak naman sa katawan ang inabot ng helper na si Leonardo Ballesteros, 30, ng San Jose, Muñoz, Quezon City.
Sa Tondo Medical Center naman dinala sanhi ng palo ng bato sa ulo ang isa sa mga suspect na nakilalang si Joel Camara, 20, habang nadakip ang isa pa nitong kasamahan na si Mark Anthony Dasalia, 23.
Batay sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-3:00 ng hapon sa kahabaan ng C-3 Road ng naturang lungsod.
Nabatid na natrapik sa naturang lugar ang minamanehong delivery van ni Padilla kung saan nagsilapit ang mga suspect sa likod ng van at hinampas ng martilyo ang kandado upang buksan at pagnakawan.
Bumaba ang mga biktima subalit sinalubong ang mga ito ng mga suspect na may hawak na patalim, martilyo at sumpak habang dumampot ng bato si Ballesteros at nang magsalpukan ay nagawang mapukpok ng bato si Camara.
Nasaksak naman si Ballesteros habang pinutukan ng sumpak si Padilla na naging dahilan upang dalhin sa mga nasabing ospital ang mga ito habang nadakip ng pulisya ang isa sa mga suspect. Mabilis namang nagpulasan ang lima pang kasamahan ng mga suspect.
- Latest