MANILA, Philippines - Kritikal ang isang 20-anyos na call center agent makaraang pagsasaksakin ng tatlong holdaper na magkakaangkas sa isang motorsiko, kamaÂkalawa ng madaling-araw sa Parañaque City.
Inoobserbahan ngayon sa loob ng Parañaque Doctor’s Hospital ang biktimang si Vaughn Benjamin Golez, binata, ng Unit A, Lot 4, IreneÂville 2 Subdivision, Brgy. Marcelo Green, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naghihintay ng masasakyang jeep ang biktima sa may Km 17 West Service Road, Irenville Subdivision, nang hintuan ng isang motor (Yamaha Mio) lulan ang tatlong suspect at tutukan ito ng patalim saka puwersaÂhang kinuha ang pitaka nito.
Pumalag naman ang biktima kaya ito pinagsasaksak ng isa sa mga suspect na mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Sucat.
Nakahingi naman ng saklolo ang biktima sa security guard ng subdibisyon na si Roland Catalayban.
Dinala ng sekyu ang biktima sa bahay nito at agad na isinugod sa pagamutan ng kanyang ama na si Kenneth Richard.
Patuloy naman umano ang imbestigasyon at opeÂrasyon ng mga pulis upang madakip ang mga salarin.