SUV kinarnap, 2 batang sakay tangay

MANILA, Philippines - Isang SUV ang tinangay ng armadong kalalakihan kasama pa ang dalawang batang sakay nito sa may Regalado Avenue, lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Ayon sa inisyal na ulat, ganap na alas-6 ng umaga nang tangayin ng mga armadong suspect ang isang berdeng Mitsubishi Adventure (ZGK 141) na minamaneho ng isang Cerelio Villa, family driver.

Diumano, bago ang in­sidente, tinatahak ng naturang SUV ang Regalado Avenue, Brgy. Pasong Putik nang biglang banggain ang side mirror ng isang puting Mitsubishi Montero.

Sinasabing sakay ng na­turang SUV ang dalawang bata na galing sa Caloocan City at ihahatid sana sa isang paaralan (Mater Carmeli School) sa Quezon City nang mangyari ang insidente.

Matapos mabangga ng Montero ang Mitsubishi ay agad na bumaba ang mga armadong suspect saka nagpaputok ng kanilang mga baril.

Kasunod nito ay agad na pinasok ng mga suspect ang Adventure saka kinomander ito sakay ang mga bata.

Nakatakas naman ang driver ng Adventure saka dumulog sa himpilan ng pulisya. Hindi pa rin tukoy ng awtoridad kung kidnapping ang motibo sa insidente.

 

Show comments