MANILA, Philippines - Nalimas ang mahigit sa P200,000 cash ng isang pastor matapos na pasukin ang opisina nito ng magnanakaw na dumaan sa bubungan at kisame ng simbahan sa Cubao, lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa pulisya, ang nilooban ay ang opisina ni Senior Pastor Vicente Buenaventura, 65, na nakahimpil sa may Jesus Messiah Global na matatagpuan sa Aurora Blvd. cor. Harvard St., Brgy. E. Rodriguez.
May kabuuang halaga na P215,132.95 cash ang natangay ng mga suspect na kinuha mula sa tanggapan ni BuenaÂventura.
Sa ulat ni SPO1 Victor Baquedqued ng Police Station 7, ang insidente ng pagnanakaw ay nadiskubre ng isang office staff na si Claire Ausan nang papasok ito ng naturang tanggapan, ganap na alas-8:30 kamakalawa.
Sa pagsisiyasat, pinasok ng hindi naÂtukoy na suspect ang kuwarto ng Pastor sa pagitan ng alas-7:30 ng gabi hanggang alas-8:30 umaga sa pamamagitan ng pagdaan sa bubungan bago tuluyang binutas ang kisame sa loob nito. Sabi ni Baquedqued, ang nasabing simbahan ay iniwan umano ng caretaker na si Rele Goyala, na naka-lock at binabantayan ng security guard kung kaya kampanteng hindi mapapasok ito.
Subalit dahil sa paggawa ng butas ng suspect sa bubungan at kisame ay nagawang mapasok nito ang opisina. Nang makapasok sa loob ay saka sinira ang metal vault kung saan nakalagay ang naturang salapi at tumakas.