Tumanggi sa tagay, tinarakan ng kapitbahay

MANILA, Philippines - Isang foreman ang nasa malubhang kalagayan matapos na saksakin ng kanyang kapitbahay makaraang tumanggi sa tagay sa Brgy. Malinao, Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Rizal Medical Center (RMC) ang biktimang si Reynaldo Ardaniel, 45, residente ng  Green Palm St., Brgy. Malinao, bunsod nang tinamong saksak sa likod.

Samantala, arestado naman ng Ba­ rangay Security Force (BSF) ang suspek na na­kilalang si Remy Elim, 33, at kapit­bahay ng biktima.

Naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa kahabaan ng Green Palm St., sa Brgy. Malinao.

Bago ang krimen, nag-iinuman umano ang suspek kasama ang ilang kaibigan nang mapadaan ang biktima. Inalok umano ng suspek ang biktima ng tagay ngunit tumanggi ito na ikinagalit ng suspek.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang insi­dente hanggang sa bigla na lang magbunot ng patalim ang suspek at tinarakan sa likuran ang biktima.

Sa kabila naman nang tinamong sugat ay nagawa pa ring makatakbo ng biktima pauwi sa kanilang bahay upang humingi ng tulong at maisugod siya sa pagamutan.

Agad din namang nadakip ang suspect.

Show comments