MANILA, Philippines - Arestado ang isang adik na mister na may diprensiya na sa pag-iisip makaraang i-hostage ang anak niyang sanggol na babae matapos na makatalo ang kanyang kinakasama sa Malabon City kahapon ng umaga.
Kinilala ni Senior Supt., Ferdinand Ampil, hepe ng Malabon City Police ang suspect na si Ramil Tindero, ng Kamias St., Brgy. Maysilo ng naturang lungsod.
Ayon sa report, dakong alas-9:00 ng umaga, nakatalo ng suspek ang ka-live-in na si Jingle Santos sa loob ng kanilang bahay sa naturang lugar, na naging dahilan upang itawag ng mga kapitbahay sa mga barangay tanod.
Nang mamataan ng suspect ang mga tanod ay kinuha nito ang anak na 10- buwang gulang at ginawang hostage upang hindi maaresto.
Tumawag na ng mga pulis ang barangay hanggang respondehan ang insidente. Ilang minuto ring nagsagawa ng negosasyon sa suspect at hindi naglaon ay napapayag na ito na sumuko at ibinigay ang hostage na sanggol. Agad namang dinala sa presinto ang suspect.