Jeep salpok sa tren: 4 pasahero sugatan

MANILA, Philippines - Isang  pampasaherong jeep ang  sinalpok ng  tren ng Philippine National Railways (PNR)  kamakalawa ng gabi kung saan apat na pasahero ang  isinugod sa dalawang ospital sa  Beata Railroad  sa Pandacan, Maynila.

Agad na dinala sa Sta. Ana Hospital sina  Rosario dela Cruz, 81;  at  Aron Jayson Victoria, 15, habang inoobserbahan pa sa Philip­pine General  Hospital sina Henry Baltogay, 28, at Carmelita Cruz, 69, dahil sa tinamong sugat sa noo.

Ayon sa ilang pasahero, wala umanong bantay ang PNR kaya hindi na naibaba ang harang na nagbibigay ng signal sa mga motorista na may darating na tren.

Sinabi naman ng ibang pasahero na sobrang lakas ng pagpapatugtog umano  ng radyo ng driver ng jeep na si Ernesto Luna kaya maaaring hindi nito narinig ang busina ng dumarating na tren.

Matapos ang insidente, tumakas ang operator ng tren na si Boy Ramos habang kinuyog ng mga tao  ang makinista  ng tren na si Richmond Itay at ang assistant operator na si  Angelo Coldas na umano ay kapwa nakainom nang maganap ang insidente.

Show comments