Mga bagong opisyal ng MPD ipinuwesto

MANILA, Philippines - Sa pagsisimula ng panunungkulan ni Manila Mayor-elect Joseph “Erap” Estrada, nagsimula na ring nanungkulan ang mga itinalagang matataas na opisyal ng Manila Police District (MPD).

Umupo na sa puwesto bilang bagong director ng MPD si P/Chief Supt. Isagani Genabe Jr., na dating camp commander ng Camp Crame at director ng Headquarters Support Service.

Si Genabe sana ang uupo kapalit nang nagretirong si dating MPD Director P/Chief Supt. Alex Gutierrez, ngunit hindi ito natuloy dahil sa appointment ban ng Commission on Elections  (Comelec), kaugnay sa nakalipas na eleksiyon kaya  pansamantalang itinalaga si Deputy District Director for Administration P/Senior Supt. Robert Po bilang officer-in-charge ng MPD.

Sa pag-upo ni Genabe, aakyat naman bilang deputy district director for administration si P/Senior Supt. Ronald Estilles, at papalitan siya ni P/Senior Supt. Joel Coronel bilang deputy district director for operations.

Itinalaga naman si P/Senior Supt. Gilbert Cruz bilang hepe ng district directorial staff na dating posisyon ni Coronel habang si Po ay inilipat sa Philippine National Police Admin Holding Office sa Camp Crame.

Inaasahan namang hindi pa dito matatapos ang balasahan at maaaring umabot hanggang sa mga station commander.

Samantala, sinalubong naman ng protesta ng grupo ng urban poor at mga vendors ang unang araw ng pagdalo sa flag-raising ceremony ni Estrada kasunod na rin nang pahayag nito na aalisin ang mga vendor sa mga lansangan at bubuwagin ang mga informal settler sa mga estero.

Bandang alas-7 ng umaga nang kumilos mula sa kanto ng Taft at Finance Road patungong Manila City Hall subalit bigo silang makausap ang alkalde sa kanilang karaingan nang harangan ng mga pulis.

Hindi naman natinag ng mga raliyista si Erap at itinuloy pa rin ang kanyang unang talumpati sa harap ng mga kawani ng Manila City Hall, kung saan sinabi nitong walang-kama-kamag-anak at walang palakasan sa kanyang administrasyon.

 

Show comments