MANILA, Philippines - Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang isang 17 anyos na estudyante ng Colegio de San Ildefonzo, matapos umanong mapagtripan ng mga kapwa lalaki, kahapon ng madaling araw sa Malate, Manila.
Saksak sa kanang tagiliran ang ikinasawi ng biktimang si Mark Oliver Moris, residente ng 4839 Valderama St., Pio del Pilar, Makati City.
Pinaghahanap naman ang anim na lalaking kumuyog at sumaksak sa biktima, na ang isa sa suspect at sinasabing sumaksak ay inilarawan sa edad 25 hanggang 27; nasa 5’6 ang taas; naka suot ng kulay itim na may stripe na puting t-shirt.
Sa ulat ni PO3 Jupiter Tajonera ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 4:15 ng madaÂling araw nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Vito Cruz St., malapit sa panulukan ng Roxas Boulevard.
Nabatid na papauwi na ang biktima matapos tumambay kasama ang mga kabarkada sa Harbour Square sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex nang may makapormahan na grupo din ng kalalakihan, na galing din umano sa kanilang tambayan.
Isa sa anim na lalaking suspect ang may binunot na patalim at isinaksak sa biktima bago nagkaniya-kaniyang takbo papatakas.
Naisugod man sa nasabing pagamutan, bandang alas-6:00 ng umaga ay bumigay na ito.