Seguridad sa oathtaking nina Erap, Isko tiniyak ng MPD

MANILA, Philippines - Tiniyak ng Manila Police District (MPD) ang seguridad sa oathtaking ngayon nina Mayor-elect Joseph Estrada at Vice Mayor Isko  Moreno na gaganapin sa  session hall ng Manila City Hall ngayong tanghali.

Dakong alas-12 ng tanghali ay isasalin ni Lim kay Estrada ang pamumuno sa lungsod sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay MPD of­ficer-in-charge Sr. Supt. Robert Po, itatalaga ang mga pulis sa pa­ligid ng city hall gayundin ang mga tauhan ng traffic police  sa labas ng city hall upang ma­iwasan ang  pagkakabuhul-buhol ng  daloy ng mga sasakyan.

Sarado rin simula alas-7 ng umaga ang south at north-bound ng Arroceros.

Nabatid naman kay MPD-District Directorate for Operations chief, Sr. Supt. Ronald Estilles, maglalagay ng LED projector sa  quadrangle at sa freedom park upang  mabigyan ng pagkakataon ang publiko na saksihan ang  oathtaking.

Nakaantabay din ang Bureau of Fire Protection at ang Crowd Disturbance Management upang mapanga­lagaan ang  dadagsang taga suporta  ng  bagong adminis­trasyon.

Ang City Security Force naman ang siyang  magbabantay sa loob ng  city hall kung saan sasalain  ang mga bisita alinsunod sa ipatutupad na color coding. Kabilang sa mga kulay ay orange, white, red at blue.

Aniya, inaasahang dadalo sa panunumpa nina Estrada at Moreno sina Vice President Jejomar Binay, dating Senate President Juan Ponce Enrile at Senador Jinggoy Estrada.

 

Show comments