Inabandonang bag, inupuan kasi ng K-9: Gusali sa Eastwood, binulabog ng ‘bomba’

MANILA, Philippines - Nabulabog ang maagang pagta-trabaho ng mga kawani ng 1800 building sa Eastwood, Libis, Quezon City makaraang abisuhan sila sa natagpuang bomba na nakalagay sa isang backpack na ang pinagbatayan ay ang pag-upo at kilos ng itinuturing na bomb snipping dog na K-9 kahapon ng umaga.

Dahil dito, pansamantalang naantala ang gawain ng maraming kawani ng naturang gusali matapos na pababain dahil sa nakitang bag na naglalaman umano ng bomba.

Ayon kay Inspector Noel Sublay, hepe ng Quezon City Police District-Explosives and Ordnance Division (QCPD-EOD), itinawag sa kanila ang bomb threat matapos tatlong beses na upuan ng aso ang isang kahina-hinalang bag na natagpuan sa loob ng gusali.

Bago ito, nagroronda ang mga guwardya sa ika-walong palapag ng nasabing gusali nang mapuna ang isang kulay itim na backpack ganap na alas-8 ng umaga.

Upang makasiguro kung ano ang laman ng bag, gumamit ang guwardiya ng K-9 dog, pero paglapit sa bag ay umupo ang aso.

Para matiyak muling inilapit ng guwardiya ang aso sa bag para amuyin ito, pero laging umuupo dahilan para maalarma ang guwar­diya at naghinalang bomba nga ang laman nito.

Sa puntong ito, nagpasya ang security personnel ng gusali na tumawag sa tropa ng QCPD-EOD na agad namang rumesponde at kinordan ang paligid na kinaroroonan ng bag.

Pansamantala ring pinababa ang mga empleyado at hindi na rin nagpapasok ng mga tao sa gusali, habang isinasagawa ang pagsisiyasat sa bag. Pero matapos buksan ang bag, nakumpirma ng awtoridad na hindi bomba ang laman nito, kundi mga personal na gamit tulad ng pulbos at alcohol.

Sabi ni Sublay, dapat ay isinasailalim muna sa masusing pagsasanay ang mga K-9 dog na ginagamit ng security agency ng gusali, dahil sa umano’y maling pang-amoy nito sa pulbura o bomba.

Show comments