MANILA, Philippines - Nakansela ang pang-umagang klase sa Nangka Elementary School sa Brgy. Nangka, Marikina City kahapon ng umaga matapos na sumugod ang mga magulang ng mga mag-aaral nito nang makatanggap ng balita na may nakatanim na bomba sa naturang paaralan.
Ayon kay Marciana de Guzman, principal ng paaralan, isang babaeng nagpakilala lamang na si Mrs. Cruz ang nagpaabot sa school guard na si Benito Belicio na may bombang nakatanim sa school building at maaari itong sumabog anumang oras.
Nag-ikot din umano ang ginang sa baÂrangay at ipinamalita ang bomb threat.
“Around 8:30 ng umaga, may isang babae na Mrs. Cruz daw ang pangalan, pumunta sa guard at sinabing may bomba sa paaralan. Tapos nag-iikot sa barangay na nagsabi na may bomba sa paaralan,†ani de Guzman.
Dahil dito, nagsuguran na rin ang mga magulang sa paaralan upang sunduin ang kanilang mga anak dahil sa pangambang may masamang mangyari sa mga ito.
Kaagad na ring ipinag-utos ng principal sa mga guro na palabasin ng kani-kanilang classroom ang mga bata at pinapunta sa covered court.
Tumawag na rin sila ng mga awtoridad upang masiyasat kung tunay ngang may bomba sa kanilang eskwelahan.
Matapos naman ang isang oras na pagsisiyasat ng mga tauhan ng Explosives and Ordinance Division (EOD) at Special Weapon and Tactics (SWAT) ng Marikina City Police ay idineklarang ligtas sa bomba ang paaralan.
Itinuloy na rin naman ang panghapon klase matapos matiyak na ligtas na mula sa bomba ang Nangka Elementary School.