Ikatlong Bus Management Dispatch System, inilarga sa Muntinlupa

MANILA, Philippines - Ipinatupad na rin  kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang implementasyon nila sa pangatlong  Bus Management Dispatch System (BMDS) sa  ilang terminal sa Muntinlupa City.

Matatandaan na noong Enero, sinimulan ng MMDA ang implementasyon ng BMDS sa  may Fairview bus terminal sa Quezon City at sinundan din sa Malabon City area.

Pinangunahan kahapon ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang pagsisimula nang pagpapatupad ng BMDS sa South Terminal sa Alabang.

Layunin ng programa na maituro sa mga bus driver ang disiplina sa pagmamaneho at maiayos at organisado ang paglabas ng mga bus sa lansangan.

Sa pamamagitan na rin umano nito ay matitiyak ang kaligtasan ng mga com­muters na sumasakay sa mga pampublikong bus.

Sa ilalim ng BMDS, bago bumiyahe ang isang tsuper ay kailangan muna itong mag-finger­ scan para malaman kung may nakabinbin itong kaso o paglabag sa batas-trapiko.

 Sakaling lumabas sa data­base ng MMDA na may tatlo nang paglabag ang bus driver, hindi na muna ito pahihin­tulutang bumiyahe.

 

Show comments