Salvage victim na naman,natagpuan

MANILA, Philippines - Isa na namang panibagong bangkay na isinilid sa garbage bag at tadtad ng saksak at may marka ng sakal ang natagpuan sa gilid ng bangketa sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon

Tulad ng mga naunang bangkay na natatagpuan na walang pagkakakilanlan, isinalarawan ang biktima sa pagitan ng edad 30-35, may taas na 5’4, payat, may tattoo na “BNG” sa kanang bahagi ng kanyang likuran.

Ayon kay SPO1 Pascual Fabreag, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natagpuan sa kahabaan ng Aurora Blvd., malapit sa panulukan ng Driod St., Brgy. Kaunlaran, Cubao, ganap na alas-11:45 ng gabi.

Sinabi ni Fabreag, napagkamalan umanong basura na maaaring pagkakakitaan ang biktima kung kaya natuklasan ito ng isang manganga­ lakal na si Jeffrey Oxillo.

Ayon sa ulat, naglalakad si Oxillo sa nasabing lugar nang mapuna nito ang isang itim na garbage bag. Sa pag-aakalang may mapapakinabangan ay niya itong binuksan pero bumulaga sa kanyang harapan ang bangkay ng biktima.

Sa pagsisiyasat, ang biktima ay nagtamo ng tatlong saksak sa katawan at may bakas ng pananakal.

Ito ang ikatlong biktima ng summary execution na natagpuan sa lungsod ngayong buwan ng Hunyo, na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nalulutas ng mga awtoridad.

Show comments