Kinidnap na OFW nasagip, 1 suspect utas

MANILA, Philippines - Nasagip ng mga opera­tiba ng National Bureau of Investigation ang kinidnap na Overseas Filipino Worker (OFW) habang napatay naman ang isa sa mga suspect at isa pa ang naaresto sa isinagawang rescue operation sa Talisay City, Cebu, batay sa ulat kahapon.

Ayon kay NBI Director Nonnatus Caesar R. Rojas, tagumpay na nasagip ang biktimang si Reneboy Agraviador, OFW.

Napatay naman ang isa sa limang miyembro ng kidnap for ransom group na si Wane B. Tiano, habang isa pa ang naaresto na kinilalang si Ronelo Martel Roble,  47.

Tatlo pang miyembro  ng grupo kabilang ang pulis na si  PO3 Lee Colina,  ng  PNP Cebu City ang naka­takas ka­sama ang dalawang hindi nakilala.

Sa isinumiteng report  ng NBI-Central Visayas Re­­gional Office (CEVRO) na pinamumunuan ni Regional Director Antonio M. Pagatpat, nitong nakalipas na Lunes (Hunyo 17) isang Mi­­nerva B. Laborada ang hu­­mingi ng tulong sa NBI  upang mailigtas ang kaniyang live-in partner na si Agraviador na dinukot.

Sa salaysay ni Laborada, alas-9:00 ng umaga nang dukutin ng lima katao ang kaniyang kinakasama sa  junction ng Rabaya St., Ta­lisay City, Cebu.

Tinawagan pa umano siya ng isa sa kidnaper at humihingi ng P50,000 ransom para sa paglaya ng bik­tima.

Matapos isuplong sa NBI at maikasa ang operasyon, nakipagkita si Laborada sa mga suspect sa Evergreen Cemetery sa SRP, Talisay City, Cebu kung saan isasagawa ang pay-off na lingid sa mga suspect ay naroon din ang mga ahente ng NBI na agad umaksiyon sa pag-aresto subalit nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng grupo ng mga suspect at mga awtoridad, kung saan tinamaan at napatay si Tiano. May nasu­gatan din umanong ilang  NBI asset sa nasabing ope­rasyon.

Si Roble lamang ang na­dakip at nakatakas ang iba pa.

Narekober  sa katawan ni Tiano ang P50,000 at cellphone  na ginamit ng grupo sa pakikipagnegosasyon,  da­lawang motorsiklo na ang isa ay pag-aari ng biktima, kalibe .45 pistola, at wallet  na may iba’t ibang cards at mga personal na gamit.

Show comments