Tanod todas sa holdaper
MANILA, Philippines - Isang barangay tanod na nagresponde sa isang insidente ng holdap ang sinaksak at napatay ng dalawang holdaper na kanyang hinabol makaraang biktimahin ng mga ito ang isang call center agent kamakalawa ng gabi sa Singalong, Maynila.
Kinilala ni SPO2 Ronald M. Gallo, ng MPD-Homicide ang biktima na si Jonas Mateo, 32, ng Villa San Antonio St., Singalong, Maynila.
Isa sa mga suspect ang nadakip na nakilalang si Julius Ceringan, 39, miyembro ng Bahala na Gang habang nakatakas naman ang kasamahan ni Ceringan na nakilala sa alyas na Jeffrey.
Sa rekord ng pulisya, alas-7:00 ng gabi kamakalawa, minaÂmaneho ng naturang tanod ang kanyang pedicab sa Taft Avenue kanto ng Estrada sa Malate, Maynila nang marinig ang paghingi ng saklolo ng biktimang si Mary France Olan, 35, na umano ay hinoldap ng mga suspect.
Nang makita ng nabanggit na tanod ang paparating na motorsiklo na sinasakyan ng mga suspect ay hinarangan umano nito ng kanyang pedicab hanggang sa bumunot ng patalim si Ceringan at sinaksak ang biktima.
Matapos na masaksak ang tanod ay tinangka ng mga suspect na tumakas ngunit si Ceringan ay nasabat ng mga guwardiya sa isang unibersidad.
Agad namang isinugod sa pagamutan si Mateo pero binawian din ito ng buhay.
- Latest