3 kotong cops, kinasuhan

MANILA, Philippines - Inirekomenda na ng Quezon City Prosecutors’ Office sa korte ang kaso laban sa tatlong pulis at isang sibilyan na nadakip kamakailan dahil sa umano’y pangongotong ng P10,000 sa isang lalaki at pagtangay pa sa gamit nito sa lungsod.

Ang mga bagitong pulis na sina PO1s Ryan Parungo, Dennis Maagda, at Ronnel Biag, na pawang nakatalaga sa QCPD-Station 9, ay ipinag­harap ng kasong robbery at extortion kasama ang kanilang tipster na si John Dominic Laudio.

Pinatawan naman ni Assistant City Prosecutor Diovie Macaraig-Calderon si Laudio ng kasong usurpation of authority matapos na magpanggap ito bilang pulis na may ranggong Police Inspector.

Ang apat na suspect ay isinailalim sa inquest pro­ceedings nitong Biyernes ng gabi, kasunod ang pagkakaaresto noong gabi ng Huwebes sa may Philcoa, Brgy. San Vicente.

Sa isang pahinang resolusyon, sabi ni Calderon makatotohanan ang pagdakip sa mga suspect at inirekomenda ang kaso sa korte laban sa kanila.

Nag-ugat ang pag-aresto mula sa reklamo ng 29- anyos na biktima mula sa Cavite na nagsabing inaresto siya ng tatlo dahil sa kasong alarm and scandal at iligal na droga. Tinangka din umano siyang kotongan ng tatlo ng halagang P10,000 habang kasama ang isang lalaking call boy noong gabi ng June 12.

Show comments