Manager ng terminal nilikida

MANILA, Philippines - Napatay ang 49-anyos na driver ng pampasaherong van na tumatayong  operation manager ng transport terminal matapos pagbabarilin ng di-kilalang lalaki na nagpanggap na   pasahero kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Commonwealth ­Avenue, Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Reynaldo Corpuz ng # 237 Rosal Street, Pingkian 2 sa Barangay Holy Spirit sa nasabing lungsod at tumatayong manager ng Terminal R3-E2 transport association Inc. sa Trinoma Mall-Robinson terminal.

Ayon sa ulat, naganap ang krimen sa loob ng UV Express (UVA-548) na minamaneho ng biktima sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, panulukan ng Peacock Street sa Brgy. Greater Fairview.

Lumilitaw na nagpanggap na pasahero ng van ang isa sa gunman  kung saan isinagawa ang pamamaslang pagsapit sa nasabing barangay.

Matapos isagawa ang pamamaril ay bumaba ang gunman bago sumakay sa naghihintay na motorsiklo.

Sinisilip ng mga tauhan ni P/Insp. Leo Santiago ang motibong personal na alitan dahil hindi naman nagdeklara ng holdap ang suspek at walang kinuhang gamit sa mga pasahero at biktima.

 

Show comments