Kotse pisak sa puno ng acacia

MANILA, Philippines - Nayuping parang lata ang bubungan ng isang kotse makaraang bagsakan ito ng bumuwal na dambuhalang puno ng acacia habang binabagtas ang kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon kahapon ng hatinggabi.

Ayon sa ulat, sa naturang insidente, masuwerteng hindi napahamak ang dalawang sakay ng KIA Rio (TJQ-648) na hindi naman nakuha ang mga pangalan.

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue Extension, Brgy. Sta Monica, sa lungsod, ganap na alas-12 ng hatinggabi. Ayon sa isang saksi, tinatahak ng nasabing sa­sakyan ang lugar nang biglang bumuwal ang puno at bumagsak sa bubungan ng kotse. Masuwerte namang nakaiwas ang dalawang sakay ng kotse kung kaya hindi gaanong napuruhan ang mga ito.

Sinasabing nawalan ng kinapitan ang ugat ng naturang puno kung kaya bumuwal ito matapos ang pagbuhos ng ulan. Agad namang nagtulung-tulong ang mga rumespon­deng tropa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at kinuha ang sakay ng nasabing kotse.

Dahil dito, naharangan ng nasabing insidente ang isang porsyon ng Commonwealth at Mindanao Avenue extension kung kaya pansamantalang hindi muna pinadaanan ito.

Show comments