Presyo ng petrolyo,muling umarangkada

MANILA, Philippines - Wala pa ring puknat ang pagtataas ng mga kompanya ng langis sa bansa sa kanilang mga produktong petrolyo makaraang ipatupad kahapon ng umaga ang ika-5 sunod na oil price hike. Dakong alas-6 ng umaga nang sabay-sabay na magtaas ang mga nangungunang kompanyang Pilipinas Shell, Petron Corp. at Chevron Philippines.

Nasa P.50 kada litro ang itinaas ng mga naturang kompanya sa presyo ng premium at unleaded gasoline.  Bahagya namang ibinaba ang presyo ng kerosene ng P.15 sentimos kada litro habang walang paggalaw sa presyo ng diesel.

Ayon sa Petron, bahagi pa rin ito ng paggalaw sa presyo ng inaangkat nilang langis na sinasalamin lamang ng lokal na presyo sa bansa. Pinakahuling nagkaroon ng pagtataas sa pres­yo nito lamang Hunyo 4 na nagtaas ng P.70 sentimos kada litro sa gasolina, P.40 sentimos kada litro sa diesel at kerosene.

Inaasahan naman na susunod rin sa naturang pagtataas ang iba pang mga kompanya ng langis sa bansa sa kabila ng ipinatutupad na deregulasyon.

 

Show comments