MANILA, Philippines - Balik-kulungan ang isang ex-con na itinuturing na ‘bad boy’ ng Sta. Ana, Maynila, matapos matunton ng Manila Police District-Homicide Section na tumutugis sa kanya kaugnay sa pagpatay sa kapitbahay, sa Mandaluyong police sa ibang kaso, batay sa ulat kahapon.
Kinuha ng MPD sa kustodiya ng Mandaluyong Police kahapon ang suspect na si Richard Pantaleon, 24, miyembro ng Sputnik gang at residente ng #2562 Pasig Line St., Sta. Ana, Maynila kaugnay naman sa pagpatay sa isang Maverick Querrer, 29, janitor at kapitbahay ng suspect noong nakalipas na Hunyo 1 ng madaling-araw.
Si Pantaleon ay naaresto nina PO3 Robin Molina, ng Mandaluyong police nang tangkain ng suspect at ka-riding-in-tandem nito na holdapin ang isang FX taxi na ang pasahero ay may dalang malaking halaga ng pera noong Hunyo 6 ng hapon sa Mandaluyong City.
Nabatid na nang malaman ng pamilya ni Querrer na nadakip noong Miyerkules ang suspect dahil panghoÂholdap sa pasahero na may dalang malaking halaga, itinimbre ito sa MPD-Homicide Section, dahilan upang kunin ito doon para sa pagsasampa ng kasong murder sa Manila Prosecutor’s Office ayon kay SPO3 Glenzor Vallejo, may hawak ng kaso ni Querrer.
Ilan sa mga kapitbahay na galit umano sa suspect, dahil bata pa ay bad boy na umano ito sa kanilang lugar at kung umasta ay parang pulis na nagsusukbit pa ng baril at sabit na umano sa serye ng holdapan kung saan may babaeng buntis na binaril ito nang pumalag sa holdap.
Matatandaang nitong Hunyo 1, nang barilin ng suspect si Querrer habang nag-iinuman kasama ang mga kaibigang sina Jeffrey Andal, Mark Anthony Clemente, Richard Sebastian, Edison Dizon at Carlo Arroyo.
Isa umanong Ryan Racuya ang nagsumbong sa suspect kaya sinugod nilang dalawa ang lugar kung saan umiinom si Querrer at mabilis na pinutukan ito na idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.