EPD cop, sugatan sa surveillance operation
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang miyembro ng Eastern Police District (EPD) matapos barilin ng suspect na isinasailalim nito sa surveillance operation sa Pasig City kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang naka-confine sa Rizal Medical Center ang biktimang si PO3 Arnel Roque, 32, nakatalaga sa Follow-Up Section ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng EPD, bunsod ng tinamong tama ng bala sa kanang baga.
Samantala, patuloy nang tinutugis ng mga awtoridad ang suspect na si Jeffrey Alcantara, residente ng #32 M.H. del Pilar St., Barangay Sto. Tomas, Pasig City.
Batay sa ulat ni PO3 Miguel Torallo, ng CIU, nabatid na dakong alas-3:45 ng hapon nang maganap ang inÂsidente sa M.H. del Pilar St., malapit sa mismong bahay ng suspect.
Nauna rito, nagtungo umano sa lugar ang biktima para magsagawa ng surveillance operation laban kay Alcantara dahil sa illegal na pag-iingat ng armas.
Sinasabing kinausap ni Roque ang misis ng suspect na si Sherralyn Alcantara para tanungin kung nasaan ang mister nito na si Jeffrey.
Gayunman, nang sabihin umano ni Sherralyn na wala sa kanilang bahay ang kanyang mister ay nagpasya na ring umalis si Roque at kasama nitong confidential agent.
Subalit hindi pa umano nakakalayo sa bahay ng suspect sina Roque ay tumumba na ito nang barilin ng suspect.
- Latest