Oil companies muling,nagtaas sa presyo ng petrolyo

MANILA, Philippines - Umarangkada na naman ang presyo ng petrolyo makaraang magpatupad ng panibagong pagtataas ang mga kompanya ng langis matapos muling sumipa ang kanilang mga produkto, kahapon ng umaga.

Dakong alas-6 ng umaga nang pangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Chevron Philippines at ng Seaoil Corp. ang pagtataas sa presyo.

Nabatid na nasa P.70 sentimos kada litro ang itinaas ng mga oil companies sa presyo ng premium at unleaded gasoline at P.40 sentimos kada litro pareho sa diesel at kerosene.

Ang naturang pagtataas ay ikaapat na buhat nang pumasok ang buwan ng Mayo habang wala namang nararanasang rollback.

Muling ikinatwiran nina Petron­ communications manager­ Raffy Ledesma at Ina Soriano ng Pilipinas Shell ang halaga ng inaangkat nilang langis sa internasyunal na merkado na siyang nagdidikta ng presyo nila sa lokal na pamilihan.

Inaasahan naman na susunod sa galaw sa presyo ng langis ang iba pang mga kompanya bagama’t wala pang anunsyo ang mga ito.

Show comments