Obrero pisak sa 10-wheeler truck

MANILA, Philippines - Bangkay na nang maiuwi  sa kanyang pamilya ang isang construction worker matapos na masagasaan ng isang 10-wheeler truck na puno ng buhangin habang papatawid ng kalsada pa­uwi sa kanilang tahanan sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Joel Abacial, 44, binata, at residente ng #8362 Kaunlaran Village, Pasig City, bunsod ng pagkadurog ng bungo nito dahil sa aksidente.

Samantala, arestado naman at nakakulong na ang suspect na si Jose Mang­­langit, 47, driver ng 10-wheeler­ truck na may plakang RKJ-486, at naninirahan sa Porac, Pampanga. Si Manglangit ay nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Batay sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-11:45 ng gabi kamakalawa nang maganap ang aksidente habang tumatawid ang biktima sa Elisco Road, kanto ng Vicitacion St., Brgy. San Joaquin, Pasig City, pauwi sa kanilang tahanan.

Nabatid mula kay Maria Ortega-Cator, tiyahin ng biktima, na galing ang pamangkin sa trabaho sa isang construction site sa Makati City.

Ginabi umano ito ng uwi dahil sweldo nila at naglalakad na ito pauwi nang ma­ganap ang aksidente. Hindi naman makapaniwala ang driver ng truck na nasagasaan niya ang biktima dahil malayo pa lang ito ay nakita na umano niyang tumatawid.
Laking gulat na lamang umano niya nang makarinig ng malakas na tunog sa huli­han ng kanyang truck at sigawan. Nang tingnan umano ni Manglangit kung ano ang nangyari ay nakita na lamang niya ang biktima na wala nang buhay.

Lumilitaw na nadurog ang bungo ng biktima matapos magulungan ng gulong sa kaliwang bahagi ng likuran ng truck.

Show comments