MANILA, Philippines - Nabubulok na ang katawan ng isang caretaker ng mga nitso sa Manila North Cemetery nang matagpuan sa kanyang barung-barong kahapon ng umaga.
Dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Paulita Ocampo, 55, ni Anita Meralles, kapwa caretaker sa ST 23 MNC, Aurora Blvd., Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay PO1 Anthony Boncan ng MPD-Homicide Section bagama’t walang sugat sa katawan, namamaga naman ang mukha ng biktima na pinaniniwalaang inatake din sa puso.
Huling nakitang buhay ang biktima noong Mayo 27, dakong alas-7:30 ng gabi na nagpaalam na matutulog na umano.
Samantala, hinihinalang inatake din sa puso ang isang 40- anyos na vendor, na biglang natumba at tuluyang binawian ng buhay habang naglalaro ng chess, sa likod ng Sta. Ana, Public, Market, sa Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni SPO1 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng gabi nang matanggap ang tawag kaugnay sa insidente ng pagkamatay ng biktimang kinilalang si Jaime Ganibi, residente ng Las Piñas City.