Sanggol, paslit natagpuang bangkay sa Ilog Pasig

MANILA, Philippines - Tinatayang nasa pito hanggang siyam na buwan ang sanggol  habang nasa 1 hanggang  3 anyos naman ang  paslit na nakitang palutang-lutang sa magkahiwalay na bahagi ng Pasig River sa Maynila at Mandaluyong.

Sa ulat ni SPO1 Ri­chard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:30 ng umaga­ kahapon nang ma­kita ng isang tripulante ng Baliwag Tanker ang patay na sanggol na nasa tabi ng tanker kaya ipinagbigay-alam sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ang sanggol ay may nakakabit pang pusod at sariwa pa ang balat na posibleng  kalalabas pa lamang sa sinapupunan ng ina.

Samantala, nakasuot naman ng brown na damit at walang saplot pang-ibaba nang makitang  lumulutang ang  paslit sa ilog sa Barangay Barangka Ibaba dakong alas-5:30 ng hapon.

Sa salaysay ng ginang na  nagpatago sa pangalang Cedes, nakita niya ang ilang batang lalaki na may binabato sa gilid ng ilog.  Unang sinabi ng mga bata na manika lamang ang kanilang binabato, ngunit nang inspeksyunin niya ay nakita niya na isa itong bangkay ng bata.

Agad naman niya itong iniulat sa mga opisyal ng barangay na siyang tumawag ng responde sa pulisya hanggang sa maiahon ang bangkay.

Nabatid na may isa hanggang tatlong oras pa lamang nababad sa ilog ang bangkay dahil sa sariwa pa ang dugo sa katawan nito buhat sa mga sugat na maaaring sanhi ng paggasgas o pagtama sa matitigas na bagay habang inaanod.

Dahil sa walang uma­angkin sa bangkay, hi­nala ng pulisya ay nalunod ang biktima sa bahagi ng Maynila o ng Makati at naanod lamang sa may Man­daluyong.

 

Show comments