150 pamilya nasunugan

MANILA, Philippines - Mahigit 150 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog na tumupok sa residential block sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat ni SFO1 Louie Abenales, dakong alas-9:20 ng gabi nang magsimula ang sunog na tumupok sa tinatayang may 30 tahanan sa Abelas Compound sa Brgy. Mabini J. Rizal sa Mandaluyong City.

Umabot ng ikatlong alarma­ ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-10:30 ng kahapon ng ma­daling-araw.

Sa pagtaya ng mga awto­ridad, aabot sa mahigit kalahating milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog. Walang nasaktan o nasawi sa insidente.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang ulat na ang sunog ay nagsimula umano sa bahay na pagma-may-ari ng isang Delia Suan, kung saan nanunuluyan ang isang Corazon Ladrera.

Inaalam na rin umano ng mga imbestigador kung nagsimula nga ba ang sunog sa isang napabayaang kandila o sa bagang ginagamit sa pagluluto.

Show comments