MANILA, Philippines - Tukoy na ng Quezon City Police District ang helper na pumatay sa negosyanteng Singaporean national kamakailan.
Ayon kay Inspector Elmer Monsalve, hepe ng homicide investigation section Quezon City Police District (QCPD), nakilala nila ang suspect na si Oreste Orejudos Jr., 18, residente sa Doña Ana, Camarin, Caloocan City.
Si Orejudos, aniya na unang nakilala sa alyas na “JRâ€, ang pangunahing suspect sa pagpatay sa among si Lee Choi Ping, na kilala rin sa pangalang Peter Lee, 50.
Si Lee ay natagpuang patay sa loob ng kanyang tahanan sa may Detroit St., Brgy. Pinagkaisan, Quezon City, ganap na alas-4:20 ng hapon.
Pinaniniwalaan ding ang biktima ay pinagnakawan dahil nawawala ang kanyang wallet at IPhone 4.
Sabi ng opisyal, pinuntahan na ng mga imbestigador ang bahay ng suspect sa Caloocan City at nakausap na rin nila ang tatay nito na si Oreste Orejudos Sr.
Sinabi umano ng matandang Orejudos sa pulisya na hindi pa niya nakikita ang anak simula nang magtrabaho ito sa biktima nitong ilang buwan. Hindi na rin umano sila tinatawagan o kinokontak kahit sa cell phone.
Patuloy ang follow-up operation ng QCPD laban sa suspect at inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong murder laban dito sa piskalya.