MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang pagtaas sa presyo ng petrolyo sa bansa makaraang magpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis sa kanilang mga produkto, kahapon ng umaga.
Dakong alas-6 ng umaga nang sabay-sabay na magtaas ng presyo ang mga kompanya ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Chevron Philippines at Seaoil Corporation.
Nagtaas ang mga ito ng P.30 sentimos sa kada litro ng premium at unleaded gasoline, P.40 sentimos kada litro sa diesel at P.45 sentimos sa kada litro ng kerosene.
Nakisabay rin naman ang Total PhilipÂpines sa pagtataas sa kahalintulad na presyo. Muling ikinatwiran ng mga ito ang pagtaas sa presyo ng iniaangkat nilang imported na langis na sinasalamin lamang umano sa presyo ng lokal na petrolyo.
Ito na ang ikatlong pagtaas sa presyo ng langis ngayong buwan ng Mayo kung saan pinakahuli nitong Mayo 21.
Base sa datos ng Department of Energy, naglalaro ngayon ang presyo ng diesel sa P39-P39.50 kada litro at ang gasoline mula P48.50 hanggang P51 kada litro.